"Out of danger" na ang limang Pinoy na kasama sa mga nasaktan sa Singapore Airlines flight na nakaranas ng matinding turbulence kamakailan, ayon kay Philippine Ambassador to Thailand Millicent Cruz-Paredes.
"The good news is they're out of danger," sabi ni Cruz-Paredes sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Biyernes.
Nabisita na umano ng embahador sa ospital ang lima.
"Immediately after we were able to trace them, nadalaw ko naman sila sa ospital and doon ko na-confirm na they are out of danger," dagdag niya.
Kabilang ang limang Pinoy sa may 100 pasahero ng London-to-Singapore flight SQ321, na nasaktan nang tumama sa matinding turbulence noong Martes.
Mahigit 200 ang kabuuang sakay ng naturang eroplano, at isa sa mga pasahero ang nasawi na 73-anyos na Briton na hinihinalang inatake sa puso.
Matapos ang insidente, nag-emergency landing sa Bangkok, Thailand ang eroplano.
Ayon kay Cruz-Paredes, patuloy pa silang inoobserbahan kaya hindi pa batid kung kailan makakalabas ng ospital ang limang Pinoy na kinabibilangan ng dalawang babae, tatlong lalaki (isa samga ito ay batang dalawang taong gulang.)
Idinadain umano ng mga Pinoy ang sakit ng katawan, at isa ang nagtamo ng sugat sa ulo.
"Hindi pa sila nasabihan kung kailan puwedeng lumabas dahil sila ay still under observation pa," sabi ni Cruz-Paredes na ang isa ay nasa intensive care unit "for closer monitoring."
Bagaman sasagutin ng airlines ang medical bills ng mga pasaherong nasaktan, sinabi ng embahador na handa ang embahada na tumulong sa kanila at sa kanilang pamilya.—FRJ, GMA Integrated News