Kabilang ang limang Pilipino (kasama ang isang bata) sa mahigit 30 pasahero na nasaktan matapos makaranas nang matinding turbulence ang isang eroplano ng Singapore Airlines.
Nitong Miyerkules, kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW), na kabilang ang limang Pinoy sa mga sakay ng naturang eroplano na Singapore Airlines flight SQ-321 na galing sa London at papunta sa Singapore.
Isang Briton na pasahero ang nasawi sa naturang insidente na hinihinalang inatake sa puso.
Ayon sa DMW, masusi nilang sinusubaybayan ang kalagayan ng mga nasaktang Pinoy, kabilang ang isang dalawang-taong-gulang na lalaki na kasama ang kaniyang mga magulang sa biyahe.
Isang Overseas Filipino Worker (OFW) na nurse sa United Kingdom ang ina ng bata, habang walang record kung OFW ang kaniyang ama.
Ang iba pang pasahero ay isang babaeng Singapore-based OFW na nagtatrabaho sa information technology sector at isang lalaking Pinoy na wala ring record bilang OFW.
Sinabi pa ng DMW, na dinala ang mga Pinoy sa iba't ibang ospital sa Bangkok at "stable" ang kondisyon.
Gayunman, sinabi ng mga duktor na inoobserbahan ang kalagayan ng isang Pinoy na nagtamo ng neck fracture.
Sa hiwalay na ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ng Department of Foreign Affairs, na minomonitor din ng embahada ng Pilipinas sa Bangkok sa kalagayan ng limang Pinoy na nasaktan sa insidente.
Sinabi rin sa ulat na sensitibo ang lagay ng Pinoy na nagkaroon ng pinsala sa leeg.
"They're now in the hospital and our embassy is monitoring the situation with them. So we will probably get a report from them today kung anong condition at kung anong mangyayari," ayon kay DFA Secretary Enrique Manalo. -- FRJ, GMA Integrated News