Libu-libong Pinoy skilled workers umano ang kakailanganin sa Germany at Czech Republic, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW). Pero ngayon pa lang, may paalala na sa publiko ang kagawaran na mag-ingat at huwag magpapaloko sa mga scammer at illegal recruiters.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing ikinakasa na umano ng DMW ang mga kasunduan para sa maayos na pagpapadala ng mga manggagawa sa nasabing mga bansa.
Itinaon ang mga pag-uusap sa working visit ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos sa Germany, at susunod sa Czech Republic.
"Kailangan nila sa manufacturing, kailangan nila sa mga engineering works, construction,” sabi ni DMW Undersecretary Patricia Caunan.
Sunod na makakausap ng DMW ang Labor officials ng Czech Republic na pupuntahan din ni Marcos
"They are alloting 10,000 working visas for Filipinos for these year in across industries,” anang opisyal. "Paano natin ito gagawin itong 10,000, ano ba itong mga workers na ito, ano ang recruitment modalities na gagawin natin. At saka siguro i-stress natin itong fight against illegal recruitment.”
Inihayag din ng DWM na government to government ang nais nilang makuhang paraan ng pagpapadala ng OFW gaya ng kasunduan sa Germany sa pagpapadala ng mga nurse na Pinoy sa ilalim ng triple win agreement.
Habang wala pang job orders sa dalawang nabanggit na bansa, pinayuhan ng DMW ang mga nagpaplanong mag-apply na magpakabihasa sa iba't-ibang skills at kumuha ng mga national certifications sa TESDA.
Nagpaalala rin ang DMW na huwag papatulan ang mga trabahong inaalok sa social media at tanging sa website ng DMW mag-apply.-- FRJ, GMA Integrated News