Nag-match ang DNA ng isa sa dalawang Pilipino sa murder weapon na natagpuan sa bangkay ng mag-asawang Hapon na pinaslang sa kanilang bahay sa Tokyo, Japan noong nakaraang Enero.

Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Martes, sinabing ang DNA ng Pinay ang nag-match sa murder weapon, batay sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Tokyo police.

Unang inaresto ang dalawang Pilipino (isang lalaki at isang babae) dahil sa pag-abandona umano nila sa bangkay ng mag-asawang biktima.

Pero muling inaresto ang dalawa para imbestigahan na kaugnay sa nangyaring krimen.
 
Sa kabila nito, tiniyak ng Department of Foreign Affairs na patuloy nilang bibigyan ng legal na tulong ang dalawa.

Inaasahan naman na ilalabas sa huling linggo ng Marso kung ano ang ipapataw na kaso sa dalawang Pilipino.-- FRJ, GMA Integrated News