Hinatulan ng federal jury sa Boston, USA na nagkasala ang Pinoy na si Engilbert Ulan sa kasong large-scale conspiracy to commit marriage and immigration fraud sa Amerika.
Napatunayan umano ng jury na sangkot si Ulan sa pamemeke ng mga dokumento ng kaniyang mga kliyente na nais na maging legal ang pananatili sa US, ayon sa US Department of Justice.
Mula sa Los Angeles ang 42-anyos na si Ulan. Nakatakdang ilabas US District Court ang sentensiya niya sa Marso 2024.
Ayon sa court records, may malaking partisipasyon si Ulan sa mahigit 300 "pekeng" kasal na ginawa para malusutan ng mga kliyente nito ang immigration laws.
Nagtatrabaho si Ulan sa tinatawag na "agency" na siyang namamahala sa sham marriages ng mga dayuhan at US citizens.
Inihahanda at nagsusumite sila ng mga false petitions, applications, at iba pang dokumento para sa kunwaring kasal ng kanilang kliyente.
Umaabot umano ang singil sa kliyente ng $20,000 hanggang $30,000 (P1,500,000), ayon sa US DOJ.
Mauna nang naghain ng guilty plea noong Setyembre ang isa pang akusado na si Marcialito Benitez sa naturang kaso, Ilalabas ng korte ang kaniyang sentensya sa January 2024.
"Mr. Ulan and his co-conspirators not only exploited our immigration system for personal gain but also compromised the United States' principles of welcoming immigrants and prospective citizens," ayon kay Acting US Attorney Joshua Levy sa isang pahayag. —FRJ, GMA Integrated News