Humingi ng tulong sa Konsulado ng Pilipinas sa Milan, Italy ang mahigit 50 Pinoy na nabiktima umano ng recruitment scam at natangayan ng pera.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, inihayag umano ng isang biktima na nasa 400 euros ang naibayad niya sa isang Pinoy operated manning agency sa Italy.

Kapalit umano ng naturang halaga ang pangako na mabibigyan ng work visa ang anak niya na nasa Pilipinas.

Matatandaan na mayroon ding mga nabiktima sa Pilipinas ang nagtungo sa Department of Justice (DOJ) upang magpatulong laban sa inirereklamong agency.

Ayon kay Consul General Elmer Cato, ng Philippine Consulate sa Milan, matagal nang nagpaalala sa publiko ang konsulado laban sa naturang scam. Kasama sa babala nila na huwag makikipagtransaksyon sa mga nagpapakilalang may alok na trabaho.

Ginawa umano ng konsulado ang babala matapos ding malaman na naubos na ang quota para sa pagkakaloob ng mapapasukan.

Nitong Lunes, naglabas din ng pahayag ang Department of Migrant Workers (DMW) para kondenahin ang napaulat na massive illegal recruitment schemes para makuhanan ng pera ang mga biktimang nais magtabaho sa Italy.

Ayon sa DMW, nakikipag-ugnayan sila sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Consulate General sa Milan (PCG-Milan), at Migrant Workers Office sa Milan (MWO-Milan), sa isinasagawang imbestigasyon upang mapanagot ang mga nasa likod ng panloloko na nasa Italy at Pilipinas.

Sa Pilipinas, aabot na umano sa 400 katao ang kinuhanan ng salaysay ng DOJ kaugnay sa nasabing pangloloko.

Naglabas naman ng pahayag ang idinadawit na agency na Alpha Assistenza SRL, at itinanggi nila na sangkot sila sa anumang iregularidad.

Paliwanag nila, may kinuha silang third-party liaison officer na mamamahala sa pagproseso ng mga dokumento. Pero nalaman umano nila na higit sa awtorisadong aplikante ang prinoseso nito at nanghingi pa ng pera.

Nagsampa rin umano sila ng reklamo sa korte laban sa kanilang dating liaison officer. --FRJ, GMA Integrated News