Timbog ang isang 32-anyos na tricycle driver sa panggagahasa umano sa isang babaeng nakilala niya online sa Taytay, Rizal. Ngunit ang suspek, itinanggi ang akusasyon at iginiit na ibang tao umano ang gumawa nito.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing namamasada ng tricycle ang suspek sa Barangay San Juan sa Taytay noong Biyernes nang hulihin siya ng mga pulis sa bisa ng arrest warrant.
Nahaharap ang akusado sa three counts of rape.
Isinalaysay ng pulisya na taong 2013 nangyari ang panggagahasa umano sa Taytay at lumabas ang arrest warrant noong 2015.
"Ngayon lang siya nahuli after niyang magtago. Siguro inisip niya na wala na siyang kaso or hindi na siya makikilala. Kaya nagda-drive siya ng tricycle," sabi ni Police Lieutenant Colonel Marlo Solero, Chief of Police ng Taytay Municipal Police Station.
Lumabas sa imbestigasyon na edad 21 noon ang babaeng biktima na nakilala umano ng suspek online.
"Magka-chat sila, nagkakilala through social media. And then 'yung victim natin from Quezon City, they decided to mag-meet up dito sa Taytay. 'Yung victim nag-file ng kaso, allegedly ni-rape siya nang tatlong beses ng ating suspek," sabi ni Solero.
Itinanggi ng suspek ang paratang.
"Hindi po totoo 'yon, wala pong nangyari sa amin. Pinakilala ko lang po sa magulang ko tapos umuwi po ako sa bahay," anang lalaki.
Ayon pa sa kaniya, nagahasa nga ang babae sa inuman, ngunit hindi siya ang gumawa nito.
"Nag-inuman po kami. Hindi ko naman po alam na may balak 'yung kaibigan ko sa babae. Nalasing po ako, paggising ko na lang po, papunta akong CR, nakita ko sila nag-hahalikan," sabi ng suspek.
Kasalukuyang nakabilanggo ang akusado sa custodial facility. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News