Dumulog sa Department of Justice (DOJ) ang nasa 68 katao na nabiktima umano recruitment scam matapos na mag-apply at magbayad para sa trabahong iniaalok sa Italy. Ang kabuuang bilang ng mga biktima, posible raw umabot sa 400.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "Saksi" nitong Huwebes, sinabi ng isang biktima na hiningan sila ng kanilang kausap ng bayad na 3,000 euros na kanilang huhulugan ng tatlong beses o tig-1,000 euros.
Ayon sa isang biktima na si Apple Cabasis, suportado umano ng Filipino community sa Italy ang naturang agency dahil mabilis umanong magproseso ng dokumento para makapagtrabaho sa nasabing bansa.
“Inalam nila, mabilis nga ang iba three days meron na so nagtiwala ako nagpapasok po kami ng application. Ang iba diyan nagsanla ng bahay at lupa. Nagbenta po 'yan ng mga sasakyan, nangutang sa mga porsyentuhan,” ayon kay Cabasis.
Matapos maibigay ang bayad, ipinadala raw sa kanila via email o social media ang kanilang work permit. Pero nang isumite nila ang dokumento sa Italian Embassy sa Pilipinas, tinanggihan ito.
“Ang nakalagay dun falso or false yung kanilang mga nulla osta [work permit]. Di talaga totoo,” sabi ni Cabasis.
Nangako ang DOJ na tutulungan nila ang mga biktima sa pagsasampa ng reklamo laban sa nasa likod ng panloloko. Isang resolusyon na rin ang inihain sa Senado tungkol sa nasabing usapin.
“We will help them. Draft complaint affidavits. Kung ano yan, kung eto ay swindling, estafa, large scale estafa, qualified theft or whatever cases they are, we will draw out the truth,” sabi ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla.
Samantala, itinanggi naman ng Alpha Assistenza SRL na sangkot sila sa panloloko at ipinaliwanag na mayroon silang kinuhang third-party liason para tumulong sa pagsumite ng mga dokumento ng mga aplikante sa Pilipinas.
“The hired liason had processed more than the eighty five (85) applicants that we officially endorsed to her. We have conducted our investigations and found out that she also have collected monies from the applicants in the guise of additional fees, which we had no knowledge of,” ayon sa pahayag.
Ayon pa sa kompanya, nakikipagtulungan na sila sa mga awtoridad kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon.-- FRJ, GMA Integrated News