Sugatan ang 15 Pinoy bikers nang araruhin sila ng isang SUV sa Kuwait kahit pa nasa bike lane sila. Walo sa mga biktima, nananatili pa sa ospital.
Sa ulat ng Super Radyo dzBB nitong Sabado, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretray Eduardo Jose de Vega, Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs, nasa 30 Pinoy ang kasama sa grupo ng mga nagbibisikleta.
Ayon kay De Vega, pito sa 15 Pinoy na dinala sa pagamutan ang nakalabas na ng ospital.
Sa walong nananatili sa ospital, isa umano ang may brain hemorrhage o may pagdurugo sa utak.
"Mayroon isa may head trauma, multiple abrasion and brain hemorrhage. Pero hindi naman sinabi na emergency, araw-araw nagche-check ang embassy," anang opisyal.
USec De Vega: Kahapon 4:30AM [ 9:30AM PST] ay mayroong puting Nissan Patrol na basta nalang inararo ang grupo ng 30 Filipino bikers, hindi inihinto ang sasakyan, hindi natin alam kung out of control o sinadya o lasing, 15 sa kanila ang nasaktan. pic.twitter.com/Wd3odzra8B
— DZBB Super Radyo (@dzbb) May 27, 2023
Iniimbestigahan pa umano ng mga awtoridad ng Kuwait kung sinadya o aksidente ang pagkaka-araro sa mga Pinoy na nangyari noong Biyernes ng umaga.
Pawang mga lalaking Pinoy ang biktima, at hindi tumigil ang nakasagawa, ayon pa kay De Vega.
Nakikipag-ugnayan din umano ang embahada ng Pilipinas sa mga awtoridad tungkol sa naturang insidente.
Matatandaan na may nireresolbang usapin ang Pilipinas at Kuwait, kaugnay sa ginawang pagsuspinde ng huli sa entry visa ng mga bagong overseas Filipino worker na pupunta sa kanila para magtrabaho.
Nananatili naman ang deployment ban ng Pilipinas laban sa Kuwait sa pagpapadala ng mga bagong domestic workers sa naturang bansa sa Gitnang Silangan.--FRJ, GMA Integrated News