Hinahangaan sa Washington, D.C. sa Amerika ang mga "obra" na cake at pastries ng isang Pinay chef na pangarap din noon na maging pintor.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nakakatakam pero nakakapanghinayang kainin ang mga cake at pastries na gawa ni Chef Audrey Valerio dahil sa ganda ng mga disenyo nito.
Napag-alaman na pinangarap noon ni Valerio, tubong San Juan City, na maging pintor kaya naman nagmumukhang totoo ang mga palamuti--gaya ng mga dahon at bulaklak--na inilalagay niya sa cake at pastries.
Sabi pa ni Valerio, itinuturing niyang canvass ang cake sa halip na regular na canvass na ginagamit sa pagpipinta.
Kursong fine arts major in painting ang kurso na una sana niyang kukunin. Pero noong 2007, nag-aral siya ng culinary art sa Washington kung saan naisama niya ang hilig niya sa fine arts.
Kaya nang magtrabaho sa mga kilalang hotel at resto sa Amerika, ginamit niya rito ang kaniyang talento. Unti-unti, nakilala na siya sa kaniyang mga "obra" na mga cake at paties, na hindi lang masarap sa panlasa, masarap din sa paningin.
Pero gaya ng kuwento ng ibang Pinoy sa abroad, dumanas din ng mga pagsubok at sakripisyo si Valerio sa larangan na kaniyang pinasok at kaniya rin namang nalampasan.--FRJ, GMA Integrated News