Bukod sa hindi dapat ipagamit sa Amerika ang mga military facility ng Pilipinas na malapit sa Taiwan strait, sinabi ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na dapat tutulan din ng Pilipinas ang hangaring kasarinlan ng Taiwan kung tunay na nagmamalasakit ang pamahalaan sa 150,000 overseas Filipino workers (OFWs) sa Taiwan.
“The Taiwan question is entirely China’s internal affair, as is the Mindanao issue to the Philippines. You will never allow any third party to meddle with resolving rebel issues in Mindanao,” sabi ni Huang sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Biyerne.
"Philippines is advised to unequivocally oppose ‘Taiwan Independence’ rather than stoking the fire by offering the US access to the military bases near the Taiwan Strait if you care genuinely about the 150,000 OFWs,” dagdag ng opisyal.
Ayon pa sa embahador, gagamitin lamang ng US ang karagdagang lokasyon ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) para sa pansarili nitong mga interes at agenda “at the expense of peace and development of the Philippines and the region at large.”
Taong 2014 nang bigyan ng karapatan ng Pilipinas ang US troops na gamitin ang ilang military facilities sa bansa sa pamamagitan ng EDCA.
Ang naunang limang lokasyon ng EDCA ay ang Antonio Bautista Air Base sa Palawan, Basa Air Base sa Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu, at Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro City.
Kamakailan lang, napagkasunduan na dagdagan ito ng apat na lokasyon: sa Balabac Island sa Palawan, Naval Base Camilo Osias sa Sta Ana, Cagayan, Lal-lo Airport sa Lal-lo, Cagayan; at Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela, na malapit sa Taiwan at Benham Rise.
“Obviously, the US intends to take advantage of the new EDCA sites to interfere in the situation across the Taiwan strait to serve its geopolitical goals, and advance its anti-China agenda at the expense of peace and development of the Philippines and the region at large,” sabi ni Huang.
Hinihintay pa ng GMA Integrated News ang komento ng Department of Foreign Affairs (DFA), Malacañang, US Embassy sa pahayag ni Huang.
Pero nauna nang sinabi ng DFA na ang pagtatayo ng mga military base ay pakikinabangan ng lokal na komunidad. Habang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi gagamitin para sumalakay ang EDCA.—FRJ, GMA Integrated News