Kinumpirma ng Philippine Embassy nitong Biyernes na dalawang Pinoy ang kabilang sa mga nasawi sa 7.8-magnitude earthquake na tumama sa Turkey at Syria noong Pebrero 6, 2023.
“It is with deepest regret that the Embassy must inform the public of the passing of two Filipinos, both earlier reported to be missing in Antakya,” ayon sa pahayag ng embahada.
Hindi tinukoy ng embahada ang pangalan ng mga biktima pero nakikipag-ugnayan na umano sila sa mga kamag-anak nito.
Isa pang Pinoy na iniulat na nawawala ang natagpuan na buhay.
Sa ulat ng Agence France-Presse, umaabot na umano sa 21,000 katao ang nasawi sa lindol.
Inihayag din ng embahada na nasa southeast Turkey ang ipinadalang Philippine rescue team. Nagawa nilang mailikas ang mahigit 10 pamilyang Pinoy mula sa Antakya sa lalawigan ng Hatay, isa sa mga lugar na matinding napinsala ng lindol.
Dadalhin ang mga inilikas sa Ankara, kabisera ng Turkey.
“We continue to tirelessly reach out to as many Filipinos as possible and acknowledge the support of the local Filipino community leaders and their network,” anang embahada.
“The team will continue to exhaust all efforts to account for Filipinos in affected regions,” patuloy nito.
Ikinalungkot naman ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na nasa Japan, ang pagpanaw ng dalawang Pinoy sa Turkey.
"It is with deep regret that we learn of the passing of two Filipinos in the recent 7.8-magnitude earthquake that devastated Türkiye," saad ni Marcos sa Twitter.
"The Philippine Embassy continues to work tirelessly to verify any and all information on Filipinos affected by the quake," anang pangulo.—FRJ, GMA Integrated News