Walang Pinoy na naiulat na nasawi sa 7.8 magnitude na lindol na tumama sa Turkey at kalapit nitong bansa na Syria. Pero tinatayang 248 na mga kababayan ang naapektuhan ng naturang kalamidad sa rehiyon, ayon sa Philippine Embassy doon.

Sa panayam ng GMA News’ Unang Balita nitong Martes, sinabi ni Ambassador Maria Elena Algabre wala silang natatanggap na impormasyon tungkol sa Pinoy casualty sa nangyaring malakas na lindol.

“Ang mga Pilipino na 248 na nasa region na 'yun ay apektado kasi po marami pong building ang nasalanta, walang electricity, malamig, umuulan,” anang opisyal.

“May mga Filipino po na umalis sa kanilang mga building kasi hindi safe at gumuho, na nasa shelter. Yung iba po kinupkop ng mga kaibigan na nasa safer na lugar,” dagdag niya.

Ayon kay Algabre, mayroong 78 aftershocks — na ang iba ay kasinglakas nang unang lindol— ang naramdaman sa naturang rehiyon.

Tinatayang nasa 9,000 search and rescue personnel umano ang tumutulong para masagip ang mga biktima, sabi pa ni Algabre.

Nagkaloob umano ang pamahalaan ng Turkey ng 300,000 blankets at naglunsad ng mga mobile kitchens para sa mga biktima.

Sa isang ulat ng Reuters, sinabi nito na nasa 3,700 katao na ang nasawi sa Turkey at Syria dahil sa lindol.

Sa hiwalay na panayam sa Dobol B TV, sinabi ni Ayon kay Algebre, nasa 11 lalawigan ang naapektuhan lindol. Apektado umano ang supply ng tubig sa ibang lugar.

Nagpaabot na ng pakikiramay ang pamahalaan ng Pilipinas, at kahandaan na tumulong sa pamahalaan ng Turkey at Syria.

"Our thoughts and prayers go to the peoples and governments of Turkey and Syria following the strong earthquake that has claimed many lives and caused massive destruction to their countries," saad ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.

"The Philippines is ready to help in whatever way it can in responding to this disaster." —FRJ, GMA Integrated News