Kabilang si Sphencer Reyes sa ilang OFWs na natupad ang hiling na makasama ang pamilya ngayong Pasko sa Pilipinas sa tulong ng "Pinoy Christmas in our Hearts" series.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing pitong taon nang nalayo sa kaniyang mga magulang sa Pilipinas si Sphencer, na dating miyembro ng Streetboys dance group.
Taong 2008 nang tumira si Sphencer sa United Kingdom, at naging bus driver sa Scotland.
"Seven years ko silang 'di nakita. Nami-miss ko pa rin. Sana makauwi akong Pilipinas to say that mahal na mahal ko sila," saad ni Sphencer sa kaniyang kahilingan sa "Pinoy Christmas in our Hearts" series ng GMA Public Affairs at YouTube.
Sa serye, sinorpresa ni Sphencer ang kaniyang pamilya sa pamamagitan ng pangangaroling sa labas ng kanilang tahanan.
Ang mga magulang ni Sphencer, labis ang saya at naiyak nang makitang muli ang kanilang anak.
Ilang pang OFWs ang magkakasama sa naturang serye. Magkakaroon din ng collaboration sa mga content creators tulad nina Ninong Ry, Small Laude, Herlene Budol, at Jessica Soho.
Mapapanood ang "Pinoy Christmas in our Hearts" simula sa December 13 sa GMA Public Affairs' YouTube channel. —FRJ, GMA Integrated News