Nangako ang Prinsipe ng Kingdom of Saudi Arabia na maglalaan ng dalawang bilyong riyal para bayaran ang utang sa sahod ng nasa 10,000 overseas Filipinos workers na naapektuhan ng pagsasara ng pinapasukan nilang mga kompanya nang magkaroon ng krisis sa kanilang bansa noong 2015 at 2016.

Ginawa ni Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman ang pangako kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa kanilang bilateral meeting sa sidelines ng idinaraos na Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Bangkok, Thailand

Si Bin Salman din ang tumatayong punong ministro ng Saudi Arabia.

“Napakagandang balita talaga. At pinaghandaan talaga tayo ni Crown Prince. Kaya’t sabi niya ‘yung desisyon na ‘yan ay nangyari lamang noong nakaraang ilang araw at dahil nga magkikita kami at sabi niya ito ‘yung regalo ko para sa inyo,” sabi ni Marcos sa naging anunsyo ng Saudi Arabia.

Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), ang naturang pangako ng KSA ay pambayad sa mga OFWs na hindi nabayaran ng kanilang mga sahod nang magdeklara ng bankruptcy ang kanilang mga kompanya noong 2015 at 2016.

“The Crown Prince, His Royal Highness, announced and said that this was his gift — he really prepared for this and this was an agreement reached by the Saudi government just a few days ago,” pahayag ni DMW Secretary Susan Ople.

Ang video ng pagpupulong ng dalawang lider ay ipinost online ng Ministry of Foreign Affairs ng Kingdom of Saudi Arabia.

 

 

Sa pahayag noong Nobyembre 2021 ni dating Labor Secretary Silvestre Bello III, sinabi nito na nasa P4.6 bilyon umano ang sahod ng mahigit 9,000 OFWs na dapat bayaran ng Saudi Arabia.

Ang hindi nababayarang backwages ng mga OFWs ang isa sa mga dahilan kaya nagpatupad ng deployment ban ng OFWs sa KSA.

Pero nitong nakaraang Setyembre 2022, sinabi ni Ople na aalisin na ang deployment ban at maaari nang magpadala muli ng mga manggagawang Pinoy sa naturang bansa simula ngayong Nobyembre. —FRJ, GMA Integrated News