Maituturing raw na isang blessing in disguise ang "pag-anod" sa isang Pinay at ng kanyang mga kaibigan sa Itaewon, Seoul, South Korea noong Sabado matapos umabot sa 154 ang nasawi sa stampede ng mga taong nag-celebrate ng Halloween.
"Noong paakyat pa lang kami [sa alley], hindi na maganda 'yung feeling. Talagang shoulder-to-shoulder na 'yung lakad. Paakyat pa lang doon sa alley medyo struggling na siya," kuwento ni Kathleen Laspoña, isang Pinay na nagtatrabaho sa South Korea, sa panayam sa Unang Balita nitong Lunes.
"Then finally when we came to the T section, tina-try ko kontakin ang friends ko, and nag-send sila ng location sa akin. Napunta kami doon sa kabilang side which I felt na blessing na din siya," dagdag niya.
"Little did I know nagsa-start na magbuo doon sa left side. Literally naanod na kami ng mga tao to the other side, the right side, which is palayo doon sa friends ko," aniya.
Napagpasiyahan ni Laspoña na yayain na lang ang kanyang mga kaibigan na sa highway na lang dumaan.
"Sinabi ko doon sa kasama ko, 'No, hindi na natin kaya bumalik that way.' Sabi ko pumunta na tayo sa highway. So sa highway na kami dumaan, like literally na kasabay 'yung mga sasakyan. Kasi sabi ko, I don't feel right about it," dagdag ni Laspoña.
Umabot sa 154 ang nakumpirmang patay sa stampede na nangyari sa nasabing alley, at karamihan sa kanila ay mga kabataan.
Ayon sa mga awtoridad, 149 ang nasaktan, at 33 ang nasa seryosong kalagayan.
Nangako si South Korean Prime Minister Han Duck-soo nitong Lunes na magsasagawa ang mga awtoridad ng thorough investigation sa pangyayari, ayon sa ulat ng Reuters.
'Sobrang blocked'
Ayon kay Laspoña, napakarami ng tao noong gabing iyon sa Itaewon.
"Mga 9:00, 9:20 [p.m.], dumating ako sa Itaewon station. Sa subway pa lang, pahirapan na lumabas. Hindi siya naging madali. Siguro mga 15 to 20 minutes. Sobrang blocked 'yung mga daan both ways, pababa atsaka paakyat," aniya.
Pagkalabas niya ng Itaewon station ay nagulat si Laspoña sa dami ng tao.
"'Di ko ma-imagine 'yung dami ng tao. Sobrang beyond siya doon sa mga usual years, though expected na madami talagang tao. I guess sobrang naging excited 'yung lahat sa pagbabalik ng event sa Itaewon," dagdag niya.
Isa nga raw siya sa mga excited na pagkatapos ng dalawang taon ay puwede nang mag-celebrate ng Halloween.
Wala raw street party doon sa alley ngunit 'yung mga tindahan, club at pub ay nagkaroon ng sari-sariling mga event na dinagsa ng mga tao, kuwento niya.
Nagulat daw si Laspoña nang malaman niyang umabot na sa 154 ang nasawi dahil noong nandoon sila sa lugar ng kanyang mga kaibigan ay nasa 50 pa lang ang naiulat na namatay.
"Nakakakilabot," aniya.
"Last night to be honest, nahirapan na ng kaunti matulog kasi parang sa movie, 'pag napapikit ka naaalala mo 'yung mga katawan na dinadala noong mga nire-rescue na siya," kuwento niya.
May isa raw siyang dating katrabaho na taga-Uzbekistan na hanggang ngayon ay hinahanap pa.
Ayon sa Department of Migrant Workers, wala pang naiulat na Pinoy na nasugatan sa stampede.
Wala pa rin daw natatanggap na ulat ang Department of Foreign Affairs na may Pinoy na nakabilang sa mga naging biktima ng stampede. —KG, GMA News