Nais ni Department of Migrant Workers Secretary Susan “Toots” Ople na suriin ang mandatory contribution sa mga overseas Filipino worker sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) na masyado umanong pabigat sa mga migranteng manggagawa.
“Bago pa 'ko nanumpa, nag-flag na ako na this is a sensitive issue among the OFWs,” sabi ni Ople sa The Mangahas Interviews, patungkol sa naturang kontribusyon ng mga OFW sa Philhealth.
“Sabi ko nga it’s too oppressive. Sa tingin ko, it needs to be revisited kasi karamihan sa mga OFWs may kaniya-kaniya nang insurance,” paliwanag niya.
Noong 2019, pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Universal Healthcare (UHC) Act na naglalayong mabigyan ang lahat ng Filipino ng paraan para makakuha ng serbisyong medikal.
Kasama sa probisyon ng batas ang pagtatakda sa mga OFW na maging miyembro ng Philhealth. Kabilang din sila sa “direct contributors” sa UHC Law.
Noong 2020, pinasuspindi ni Duterte ang naturang kautusan. Nitong nakaraang Mayo, inihayag ng PhilHealth na sisimulan na nilang ipatupad ang mandatory coverage at pagkolekta ng mas mataas na premium contribution sa lahat ng miyembro kasunod ng pagkakasuspindi sa implementasyon noong Enero 2021 dahil sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Ople na kinausap na niya si Senador JV Ejercito, may-akda ng UHC, tungkol sa kontribusyon ng OFW sa Philhealth at naniniwala rin umano ang senador na dapat amyendahan ang naturang batas.
“We’re just waiting kung sino ang ma-appoint as Philhealth head and sino ang maa-appoint as Health secretary. But nag-usap na kami ni Sen. JV and we both agreed there has to be an amendment on the law,” anang kalihim.
“Our hands are tied kasi sa Universal Healthcare Act nakapaloob itong mandatory fee na naka-peg sa salary ng OFWs na mayroong compounded monthly interest as penalty,” dagdag niya.—FRJ, GMA News