Tinutugis ngayon ang isang lalaki matapos niyang atakihin at pagsalitaan ng racist slur ang isang pamilyang Pilipino sa Los Angeles, California.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, inilahad ng biktimang si Patricia Roque na bibili lang sana silang pamilya ng pagkain sa isang fastfood restaurant nang banggain ng suspek na si Nicholas Weber ang kanilang sasakyan.

Sa halip na makipag-areglo ang suspek, sinaktan umano sila nito at pinagsalitaan ng racist slur.

Nangyari ang insidente noong May 13 sa North Hollywood, ayon naman sa isang ulat.

Matapos banggain ng suspek ang kanilang sasakyan, tinawag ni Patricia ang kaniyang amang si Gabriel Roque para humingi ng tulong.

Nang komprontahin na ni Gabriel si Weber, na tinatangka namang buksan ang pinto ng sasakyan ni Gabriel, dito siya sinapak at inihagis umano sa sahig ng suspek.

Nang tumulong naman ang ina ni Patricia na si Nerrisa, maging siya ay sinaktan ng suspek, ayon kay Patricia.

Sinabi ng legal counsel ng pamilya Roque na may standing arrest warrant ang suspek nang hindi ito magpakita sa korte.

Nahaharap si Weber sa mga kasong felony, battery, serious bodily injury at misdemeanor battery under hate crime.

Nababawasan na umano ang insidente ng hate crimes laban sa Asians sa New York.

Gayunman, nagpaalala ang Philippine Consulate General sa New York sa mga Pilipino roon na manatiling alerto at mapagmatiyag. —Jamil Santos/VBL, GMA News