Pinaalalahanan ng Philippine Consulate sa New York ang mga Filipino doon na manatiling alerto at mapagmatyag kahit nabawasan na ang mga insidente ng hate crimes laban sa mga Asyano.
Ayon kay Consul General Elmer Cato, bumaba sa 53% ang hate crime incidents laban sa mga Asyano sa New York, at tumaas naman ang hate crimes laban sa mga "itim" ng 67%.
"Hate crime incidents do not only involve Filipinos. Hate crimes are committed against Blacks, Latinos, Jews, Muslims, members of the LGBT community," sabi ni Cato sa panayam ng Super Radyo dzBB.
"We are calling on our kababayans to be careful especially when riding the subway, avoid going out at night, avoid dimly lit streets," dagdag niya.
Kamakailan lang, isang pasahero sa subway train ang nakita na naglalagay ng "laway" sa kapuwa niya pasahero na Filipino. Dahilan ito para gumanti ang Pinoy at sinuntok ang pasahero.
Ayon kay Cato, ang nangyaring insidente sa subway isa lamang sa 40 naitalang hate crime incidents laban sa mga Pinoy.—FRJ, GMA News