Laking pasasalamat ng isang overseas Filipino worker na umuwi sa Pilipinas mula sa Saudi Arabia matapos maibalik ang pinaghirapan niyang pera na nawala sa airport sa Misamis Oriental.
Sa Facebook post ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), napag-alaman na nangyari ang insidente sa Laguindingan International Airport sa Misamis Oriental.
Dumating sa bansa ang OFW, isang domestic helper, mula sa Riyadh noong Abril 17 sakay ng eroplanong iprinoseso ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Pero habang nasa airport, nawala ng OFW ang 40 piraso ng 500 Saudi riyal na nagkakahalaga ng nasa P280,000.
Mapalad ang OFW dahil isang tapat na kawani ng CAAP na si Merraflor Simbre, ang nakakita sa pera.
Nakatalaga umano si Simbre bilang facility cleaner sa palikuran ng paliparan sa Passenger Terminal Building Arrival Area.
Ibinigay ni Simbre ang napulot na pera sa kanilang tanggapan kung saan pinuntahan ito ng OFW at kinuha.
Pinapurihan ng CAAP ang katapatan ng kanilang kawani na si Simbre. —FRJ, GMA News