Isang Filipino cyclist sa Taiwan na papunta sana sa isang cycling event ang nasawi matapos ma-hit and run noong Linggo.
Sa ulat ng Central News Agency sa Taiwan, sinabing 32-anyos ang biktima na hindi binanggit ang pangalan. Papunta sana siya sa Bali District, New Taipei City nang mabundol siya ng isang sasakyan malapit sa Rui-Ping Elementary School dakong 4:27 a.m.
Pinaghahanap pa umano ng mga awtoridad sa Taiwan ang driver ng sasakyan.
"According to the police, a car hit the victim from the back, but the driver then left the vehicle and fled the scene," ayon sa ulat.
Mayroon pa umanong kasamang dalawang Pinoy cyclist ang biktima nang mangyari ang insidente.
Walang embahada ang Pilipinas sa Taiwan pero mayroong Manila Economic and Cultural Office sa Taipe. Ito ang ahensiyang namamahala sa pangangailangan ng mga Pinoy doon.
Gayunman, wala pang pahayag ang mga opisyal ng MECO tungkol sa insidenteng nangyari sa siklistang Pinoy.
Ayon sa ulat, wala nang vital signs ang biktima nang dumating ang mga pulis sa lugar ng insidente.
Idineklara siyang dead on arrival sa ospital.— FRJ, GMA News