Plano nang alisin ng Hong Kong ang flight bansa sa siyam na bansa--kabilang ang Pilipinas-- simula sa darating na Abril.

Bukod dito, babawasan na rin nila ang quarantine time sa mga darating na dayuhan, at magbubukas na rin sila ng kanilang mga paaralan.

Ang naturang mga hakbang ay inihayag nitong Lunes ni Chief Executive Carrie Lam, na inulan ng kritisismo noon mula sa kaniyang mga kababayan dahil sa matagal nang paghihigpit para labanan ang pagkalat ng COVID-19.

Aalisin ang flight ban simula sa Abril 1, habang gagawin na lamang pitong araw ang dating 14 days hotel quarantine sa mga darating na dayuhan kung negatibo ang magiging resulta sa COVID-19.

Magpapatuloy naman ang face to face classes ng mga paaralan sa Abril 19, pagkatapos ng Easter holidays. Kasabay  nito ang pagbubukas ng mga public venue--pati ang sports facilities-- sa Abril 21.

Isinara ng Hong Kong ang kanilang border mula pa noong 2020, at iilang flights lang ang pinapayagan para sa mga dadaan lamang na biyahe sa naturang teritoryo ng China.

Maging ang mga mamamayan nila ay naging pahirapan din ang pagbabalik kung manggaling sa ibang bansa.

Nitong nakalipas na buwan, naging problema sa Hong Kong ang muling pagdami ng COVID-19 cases dahil sa mas nakahahawang Omicron variant.--Reuters/FRJ, GMA News