Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na madadagdagan ang oportunidad ng trabaho para sa mga Filipino sa Canada.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing nasa Canada ngayon si Bello para pirmahan ang mga bilateral labor agreements tungkol sa mga trabaho na para sa mga Pinoy sa Ontario at Yukon.
Maaari din umanong kumuha ng resident visa ang mga dayuhang manggagawa sa Canada.
Samantala, ang mga Filipino healthcare workers naman sa Germany na nagsilbi noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic ay makatatanggap ng COVID care bonus na mula sa pamahalaan ng nasabing bansa.
Ayon kay Bello, naglaan ang German government ng €1 bilyon o katumbas ng P57 bilyon pondo para sa naturang COVID care bonus.
Sinabi ng DOLE na ang healthcare workers na nasa elderly care ay makatatanggap ng insentibo na na mula 60 hanggang 550 Euros o P3,400 hanggang P31,000.—FRJ, GMA News