Umaabot sa P1 bilyon ang utang ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga hotel na ginamit na quarantine facilities ng mga umuwing overseas Filipino workers dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay OWWA administrator Hans Leo Cacdac, nakipag-usap na sila sa Philippine Hotel Owners Association (PHOA) tungkol sa nasabing utang.

Hindi pa raw mabayaran ito dahil hinihintay pa ang pondo na manggagaling sa Department of Budget and Management (DBM).

“Tayo ay humihingi ng kaunting panahon dahil naghihintay pa tayo ng susunod na tranche ng DBM,” anang opisyal sa isang panayam sa radyo nitong Huwebes.

Posible umanong ngayon Marso rin mabayaran ang utang.

Ayon kay Cacdac, mayroong P11.4 bilyon ang OWWA sa DBM. Mula noong 2020, umabot na umano sa P20 bilyon ang nagastos ng pamahalaan sa hotel accommodation ng mga OFWs.

Ngayong taon, nasa P2.5 bilyon umano ang nabayaran pa.

Nilinaw din umano ni Cacdac sa mga namamahal ng hotel na patuloy ang pagbabayad nila kahit pa sa panahon ng halalan.

Tiniyak niya na may pondo ang OWWA para bayaran ang mga obligasyon nito.

2,200 OFWs, naka-quarantine pa

Samantala, sinabi Cacdac na mayroon pang 2,200 partially vaccinated OFWs ang naka-quarantine sa mga hotel.

“Sa ngayon, meron tayong 2,200 OFWs. Meron pa ring quarantine gawa ng mga partially vaccinated, kailangan pa rin i-quarantine, not fully vaccinated or partially vaccinated," ayon sa opisyal.

"Higit kumulang mga 70 hotels sila naka-billet ngayon,” dagdag niya.

Sa hiwalay na panayam naman nitong Biyernes, sinabi ni Cacdac na patuloy na sinusuri pa ang natitirang obligasyon ng OWWA sa mga hotel owner.

Ang isang grupo umano ng hotel owners, sinabi ni Cacdac na nasa P600 milyon ang unpaid bills ng OWWA sa kanila hanggang noong Sabado.

Pero may bagong numero umano na binabanggit ang mga hotel owner dahil sa paglipas ng araw.—FRJ, GMA News