Sa harap ng pagsalakay ng Russia sa Ukraine, umapela ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Pinoy na nasa Ukraine na huwag mag-panic.
Tiniyak ni DFA na nakahanda ang pamahalaan ng Pilipinas na magbigay ng tulong sa mga Pinoy sa Ukraine para madala sila sa ligtas na lugar o ilipad pauwi ng Pilipinas.
Sa Twitter post ni DFA Secretary Teodoro Locsin Jr., sinabi niya na pumayag ang Poland na papasukin nila sa kanilang bansa ang mga Pinoy na manggagaling sa Ukraine kahit walang visa.
Sinabi naman ni DFA Undersecretary Sarah Arriola na nasa apat na Pinoy ang nagpatulong na makauwi sa Pilipinas mula sa Kyiv na kapitolyo ng Ukraine.
Inaasahan na makauuwi sila sa Pilipinas sa Biyernes, “if circumstances would allow,” anang opisyal.
“Repatriation is our department’s top priority,” ani Arriola sa press briefing. “We are on standby to assist our kababayans. We will use all available means to bring them home.”
Tinatayang nasa 380 ang Pinoy na nasa Ukraine, karamihan ay nasa Kyiv. Nitong nakaraang linggo, anim na Pinoy ang dumating sa bansa mula sa Ukraine.
Bago maganap ang pagsalakay ng Russia sa Ukraine nitong Huwebes (Manila time), nasa Alert Level 2 lang ang ipinatutupad ng Pilipinas kaya hindi pa kailangan ang mandatory repatriation sa mga Pinoy na nandoon.
Nitong nakaraang linggo, nagbabala na si United States President Joe Biden na sasalakayin ng Russia ang Ukraine anumang araw.
Sinabi ni Arriola na mananatili ang mga tauhan nila sa Ukraine hanggang mayroon Pinoy na nandoon.
“Our assurance is we will stay on the ground as long as there are Filipinos there,” anang opisyal na sinabi ring mayroon silang ugnayan sa embahada ng bansa sa Moscow, Warsaw at Budapest.
“If possible, we will fly them from Ukraine by air or land, anything is possible,” pagtiyak niya.
Hinikayat ni Arriola ang mga Pinoy sa Ukraine na makipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Poland o Philippine consular team sa Kyiv para madali silang mahanap kung sakaling isagawa ang mandatory evacuation.
“They just can approach our team in Kyiv if they need repatriation or to transfer to a safer place,” pahayag niya.
— FRJ, GMA News