Umakyat sa 76 ang bilang ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Hong Kong na nagpositibo sa COVID-19. Nakararanas ngayon ng panibagong "wave" ng virus ang naturang teritoryo ng China dahil sa mas nakahahawang Omicron variant.
“As of yesterday, umakyat sa 76 'yung kaso ng COVID doon sa mga OFWs sa Hong Kong," sabi ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Hans Cacdac sa panayam ng GMA News’ Unang Balita nitong Huwebes.
Siyam umano sa mga ito ang nasa ospital. Habang ang iba naman ay nasa mga isolation facilities o kuwarto na inasikaso ng kanilang mga amo, ng gobyerno, o non-government organizations.
Una nang iniulat na mayroon mga OFW na sinibak sa trabaho ng kanilang mga amo matapos na malaman na nagpositibo sila sa virus.
Ayon kay Migrante-Hong Kong chairperson Dolores Balladares, hindi tinatanggap ng mga ospital ang mga OFW kapag nalaman na tinapos ng kanilang amo ang kanilang kontrata.
Samantala, hindi naman masabi ni Cacdac kung kailan makalilipad ang mga OFW na pupunta sa Hong Kong.
“Kailangan lang natin antabayanan 'yung further advisory from the Hong Kong side kasi lilipas din naman 'to katulad ng sitwasyon dito sa atin,” ayon sa opisyal.
—FRJ, GMA News