Kahit may mga Pinoy na nagpatulong na makauwi Pilipinas mula sa Ukraine, nilinaw ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na wala pang ipinapatutupad na mandatory repatriation sa mga overseas Filipino worker na nandoon.
Sa harap ito ng patuloy na tensiyon at pangamba na baka lusubin ng Russia ang katabi nitong bansa na Ukraine.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabi ni OWWA Administrator Hans Cacdac, na tinatayang 380 Filipino ang naninirahan sa Ukraine, na karamihan ay nasa kapitolyo ng Kyiv.
Kamakailan lang, limang Pinoy na kinabibilangan ng isang sanggol, ang dumating sa Pilipinas mula sa Ukraine.
Pero ayon kay Cacdac, hindi pa itinataas ng pamahalaan ng Pilipinas sa Alert Level 4 ang sitwasyon sa Ukraine. Dahil dito, hindi pa ipatutupad ang mandatory repatriation o evacuation.
“Sa ngayon, ang approach ay tila wait and see. Tingnan kung ano ang mangyayari. Hindi pa nakataas ang highest alert level sa panig ng pamahalaan natin, sa side ng DFA (Department of Foreign Affairs) at POEA (Philippine Overseas Employment Administration), so wala pang mandatory repatriation,” paliwanag niya.
Gayunpaman, sinabi ni Cacdac na handang tulungan ng Philippine Embassy sa Warsaw ang mga Pinoy sa Ukraine na nais munang umuwi ng Pilipinas.
“Sa huling pagkakaulat sa atin, ay may dalawa na nag-express ng interest na makauwi. Other than that, hindi pa natin nakikita ‘yung tinatawag na mass repatriation dito sa Ukraine,” sabi ng opisyal.
Patuloy ang babala ng Amerika na maaaring salakayin ng Russia ang Ukraine anumang araw.
Nitong Lunes (Russia time), inatasan ni Russian President Vladimir Putin ang kaniyang militar na magtungo sa Donetsk at Lugansk, dalawang breakaway regions sa eastern Ukraine, matapos niyang kilalanin ang pagiging "independent" ng mga ito mula sa Ukraine.
Tiniyak ni Cacdac na nakahanda ang pamahalaan ng Pilipinas kung kakailanganin isagawa ang paglikas sa mga Pinoy na nasa Ukraine.
“We will be ready. We stand ready, of course. This is not the first time that we will be doing this. Meron na ‘yang mga [there are] identified relocation points, exit points,” paliwanag niya.
Nanawagan din si Cacdac sa publiko na magtiwala sa political at security assessment na ginagawa ng Philippine Embassy sa Warsaw, kaugnay sa sitwasyon sa Ukraine.
“Kaya sila ang nandodoon para sila ang sumuri para sa atin. Siyempre iba pa ‘yung nasasagap natin sa balita, but our people on the ground will make the final call as to whether itataas ‘yung alert level. So far, ang assessment is hindi pa sapat para magkaroon ng Alert Level 4, ‘yung pinakamataas,” ayon kay Cacdac.
—FRJ, GMA News