Dahil sa pagsusumikap, naging maganda ang buhay ng isang lalaking overseas Filipino worker sa United Arab Emirate. At nang makamit na niya ang mga inaasam sa buhay, inabot naman niya ang pangarap na magkaanak kahit walang asawa.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing produkto ng broken family ang OFW na si Dan Lester Dabon, na mula sa Davao City.
Lumaki man siya na walang mga magulang, binusog pa rin naman siya ng pagmamahal ng kaniyang lolo at lola.
Iginapang ang kaniyang pag-aaral hanggang sa makapagtapos siya ng nursing at makapagtabaho sa ibang bansa.
Ngayon na maayos na ang kaniyang pamumuhay, dumating na si Dan sa yugto ng kaniyang buhay na nais na niyang maging ama.
Sinakap ni Dan na abutin ang naturang pangarap kahit wala siyang asawa sa pamamagitan ng IVF o in vitro fertilization.
Nagtungo pa si Dan si Russia upang doon pumili ng donor na babae at isagawa ang buong proseso upang magkaroon ng kambal na anak.
Gayunman, nakaranas siya ng kabiguan sa unang tangka na mai-transfer ang embryo na inaasam niyang kambal na anak dahil hindi ito nabuo.
Dahil sa pangyayari, nakaranas ng depresyon si Dan. Pero hindi siya sumuko at sumubok muli kahit pa umabot na sa P9 milyon ang kaniyang nagastos.
Sa ikalawang pagtatangka ni Dan na magkaroon ng kambal na anak, magtagumpay na kaya siya? Alamin ang buong kuwento sa video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News