Ilang overseas Filipino workers sa Hong Kong ang tinamaan na rin ng mas nakahahawang Omicron variant ng COVID-19 at pumipila sa mga punuang ospital para ma-admit.

Sa ulat ni GMA News stringer Azon Canete "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing mayroong tatlong OFW na pauwi sana sa Pilipinas ang hindi nakabiyahe matapos lumabas na positibo ang kanilang COVID-19 test.

Paliwanag ni Canete, dahil sa dami ng ipinapa-test sa HK, naantala ang paglabas ng mga resulta at inabutan na sa araw ng kanilang biyahe ang tatlong OFW.

Dahil sa nangyari, napilitan silang maghintay ng ilang oras sa labas ng airport bago nasundo ng ambulansiya at nadala sa ospital. Kinalaunan ay naihatid naman sila sa isolation facility.

Sinabi rin ni Canete na hindi naman umano malala ang sintomas ng sakit na tumama sa tatlong OFW.

Ayon pa kay Canete, ang isang NGO na tumutulong sa mga OFW ay nakapagtala umano ng nasa 40 OFW ang tinamaan ng COVID-19.

Bukod dito, may mga OFW din umano na pinapalayas ng kanilang mga amo sa bahay kapag nalaman na positibo sa virus.

Sinasabing nagsimula ang pagsirit ng COVID-19 sa HK matapos ang selebrasyon ng Chinese New Year. Mula sa iilan kaso, ngayon ay umaabot na umano sa 6,000 hanggang 8,000 ang daily cases sa naturang teritoryo ng China.

--FRJ, GMA News