Nasa 4,000 overseas Filipino workers (OFWs) na papuntang Hong Kong ang apektado umano ang biyahe dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases sa naturang teritoryo ng China dahil sa Omicron variant.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing simula dapat sa Biyernes ay papayagan na ng HK na makapasok sa kanilang teritoryo ang mga OFW pero nagbago ito dahil sa pagsipa ng mga kaso nila ng COVID-19.
“Mayroon na silang mga exit pass na pinroseso na ng POEA [Philippine Overseas Employment Administration], ‘yung mga may ticket na at mayroon na ring mga naka-book na quarantine rooms. May mga OFW tayo na dapat ay lilipad na ay inabutan na ng expiration ng kanilang mga visa,” ayon kay Dolly Uanang, presidente ng Society of Hong Kong Accredited Recruiters of the Philippines (SHARP).
“’Yung mga OEC nila o exit pass nila galing sa POEA ay hindi naman apektado ‘yun dahil kahit three months ang validity noon pwede pa naman nila gamitin ‘yun. Ang problema, ‘yung mga visa nila doon sa Hong Kong ay nagsisimula nang mag-expire,” dagda niya.
Tinatayang mayroong 200,000 Filipino ang kasalukuyan umanong nasa Hong Kong, batay sa Hong Kong Immigration website.
Sa ngayon, sinabi ni Uanang na wala pang OFW sa Hong Kong na tinamaan ng Omicron COVID-19 variant.
“So far, wala pa naman tayong mga kababayan na affected, I mean sa hanay namin sa SHARP. ‘Yung aming mga pinaalis na OFW, wala pa naman kaming feedback na nakukuha na nagkaroon ng Omicron COVID infection. So far, wala naman. Pinag-iingat parin namin sila,” pahayag niya.
Sa dami ng nagkakasakit sa Hong Kong, ilang pasyente ang nakapuwesto na sa labas ng ospital.
Samantala, tinanong naman ng mamamahayag si Health Secretary Francisco Duque III, kung ikokonsidera nito na magpatupad ng travel restrictions sa mga bibiyahe na galing sa Hong Kong.
“Well, depende ‘yan sa gobyerno ng Hong Kong kung sila mismo tingin nila ay dapat magsara sila or mag-adopt sila ng protocols nila rerespetuhin natin yon. So far, wala pa sa usapan iyan,” ani Duque.
Patuloy niya, "Mamaya sa IATF [meeting] tingnan natin kung may magmumungkahi na i-consider yung sinabi mo [travel restrictions]."
-– FRJ, GMA News