Halos mapuno na umano ang ilang ospital sa Hong Kong dahil sa pagtuloy na pagtaas ng bilang ng mga pasyenteng nagpopositibo sa COVID-19. Dahil dito, plano umano ng pamahalaan doon na obligahin ang mga tao na magpa-test simula sa Marso.
Sa ulat ng Reuters. sinabing may mga pasyente, kabilang ang mga nakatatanda, na sa labas na ng ospital nakapuwesto dahil sa dami ng nagkakasakit.
Sarado ang mga paaralan, mga gym, mga sinehan, at karamihan sa mga puntahan ng mga tao. Marami rin sa mga tanggapan ang nagpapatupad ng "work from home" set-up.
Nakararamdam na rin umano ng pagod ang mga tao sa mahigpit na patakaran ng gobyerno para protektahan sila laban sa virus.
Ayon sa Health authorities, nakapagtala ng 6,116 confirmed cases nitong Huwebes, mas mataas sa 4,285 na mga kaso sa nagdaang araw.
Mula nitong Enero, umabot na ang bilang sa 16,600, at may 24 na pasyente naman ang nadagdag sa bilang ng mga nasawi sa virus.
Iniulat umano ng ilang local media ang impormasyon mula sa hindi tinukoy na mga impormante, na plano ng pamahalaan na mag-test ng hanggang isang milyong tao bawat araw simula sa Marso.
Ang hindi umano susunod, pagmumultahin ng HK$10,000 o katumbas ng $1,282.
Hindi umano tumugon ang gobyerno nang hingan ng reaksyon tungkol sa mandatory COVID-19 test.
"Because of the severe number of cases we need to speed up admission to hospitals and community isolation facilities," sabi ni undersecretary for food and health Chui Tak-yi sa mga mamamahayag.
"The government is trying to ease all these bottlenecks," patuloy niya.
Puno na umano ang mga quarantine facility at nasa 90% ng hospital beds ang nagagamit.
Plano ng kanilang lider na si Carrie Lam, na gamitin ang hanggang 10,000 hotel rooms para sa isolation ng mga pasyente ng COVID-19.
Ipinatutupad din sa Hong Kong ang "dynamic zero" coronavirus strategy na ginamit ng China para pigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Subalit sadya umanong mabilis ang pagkalat ng mas nakahahawang Omicron variant. Bukod dito, marami umano sa mga nakatatanda ang nag-aalangan na magpabakuna.
Mula nang magsimula ang pandemya, nakapagtala ang Hong Kong ng 35,000 kaso ng COVID-19, at mahigit 250 ang nasawi.
Ngunit nagbabala ang ilang medical expert na posibleng sumipa ang daily cases ng HK sa 28,000 sa pagtatapos ng Marso. — Reuters/FRJ, GMA News