Habang nagpapatuloy ang pangamba ng posibleng pagsalakay ng Russia sa Ukraine, tiniyak ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., na hindi niya pababayaan ang mga Pinoy sa Ukraine.

“Rest assured Filipinos in Ukraine will come to no harm," pahayag ni Locsin sa isang tweet. "I will be on top of it personally. I'm done in Cambodia in 2 days; then ASEAN-EU in Paris by 19th. That's close enough to Ukraine to effect their safe passage out.”

Nasa Phnom Penh, Cambodia si Locsin para dumalo sa ASEAN Foreign Ministers’ Meeting Retreat and Related Meetings sa February 16 to 17.

 

 

Sinabi ng kalihim na nakikipag-ugnayan siya sa iba pang mga opisyal para matiyak ang kaligtasan ng mga Pinoy na nasa Ukraine.

“It will be a land journey to the closest border; I expect the Americans to keep watch as they did and more discreetly in Libyan evacuations and rescues. This is when we know who are our friends and who are just crybabies,” ani Locsin.
Una rito, sinabi ng Philippine Embassy sa Warsaw na sinabing nasa 380 ang mga Pinoy na nasa Ukraine, karamuhan ay nasa Kyiv.

Inabisuhan ng embahada ang mga Pinoy sa Ukraine na makipag-ugnayan sa embahada bilang paghahanda kung ano mang posibleng mangyari sa hinaharap.

Nauna nang nag-abiso ang pamahalaan ng Amerika sa kanilang mga kababayan na nasa Ukraine na umalis na dahil posibleng maganap ang pagsalakay doon ng Russia ano mang araw.

Pero itinanggi ito ng Russia, at sinabing umaalis na ang ilan nilang tropa na malapit sa border ng Ukraine matapos ang isinagawang pagsasanay.

Gayunman, sinabi ng NATO na dapat patunayan ng Moscow na totoo ang sinasabing pag-alis ng ilang puwersa nito dahil iba umano ang kanilang nakikita.

--FRJ, GMA News