Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na umabot sa 141,216 na Filipino ang dumating sa bansa nitong Disyembre. Samantalang 117,795 na Pinoy naman ang umalis.

Sa datos ng BI, nakasaad na sunod sa mga Pinoy,  ang mga Amerikano naman ang may pinakamataas na bilang ng mga dayuhan na dumating sa bansa na umabot sa 12,455.

Sinundan ito ng mga Canadian na 2,805 at Japanese na 1,645.

Nitong Lunes, inihayag ng Department of Health na isang 38-anyos na Pinay na galing sa USA, ang ika-apat na kasong Omicron COVID-19 variant sa Pilipinas.

Dumating ang Pinay sa Pilipinas noong December 10.

Nagpositibo rin sa COVID-19 ang kasama niyang mister pero hindi pa lumalabas ang resulta ng genome sequencing kung anong variant ng virus ang tumama sa kaniya.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, karamihan sa mga umuwing Pinoy ay mga overseas Filipino workers (OFWs) na nais magdiwang ng Pasko sa Pilipinas.

“This is expected since many of our kababayans who are now living abroad wish to spend the holidays here with their families,” anang opisyal.

Sinabi ni BI port operations division chief Carlos Capulong na doble ang bilang ng mga dumating sa bansa nitong December 24 at 25, kumpara sa kaparehong panahon noong 2020.

“Last year, there were only 5,478 arrivals for the two days, while this year, it increased 100% to 11,074 for the Christmas Eve and Christmas Day,” ayon kay Capulong.

“While the numbers are still relatively low, we are confident that this increase will continue until next year, given the government’s aggressive vaccination campaign,” dagdag niya.

Samantala, kung may mga dumating, mayroong ding mga umalis ng bansa. Ayon sa BI, mayroong 145,900 na pasahero ang umalis ng bansa nitong Disyembre.

“The number of international travelers remain low despite the holiday season,” ani Morente. “By the end of the year, we’re expecting the numbers to rise a little, perhaps around 20,000 to 50,000 more passengers, but we’re still not seeing pre-pandemic figures."

Pinakamarami sa mga umalis ay mga Filipino na umabot sa 117,795. Sumunod ang Americans (7,776), Indians (2,908), Chinese (2,509), at Japanese (2,190).— FRJ, GMA News