Inihayag ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na nasa critical level na ang mga quarantine facility para sa mga overseas Filipino worker (OFW) na uuwi ng Pilipinas para magdiwang ng Pasko at Bagong Taon.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabi ng OWWA na nasa 12,500 na ang OFWs na nasa 200 quarantine facilities.
Tinatayang aabot pa sa 50,000 hanggang 60,000 ang uuwi pang OFWs bago matapos ang 2021.
Ayon sa ahensiya, may ginagamit nang quarantine facility sa CALABARZON at ginagamit na rin ang ilang five-star hotel.
Patuloy ang OWWA sa paghahanap ng mga quarantine facility.
"Ang gusto sana natin mangyari ay paikliing muli 'yung quarantine levels 'pag fully-vaccinated, negative sa PCR test. Kaya bukas (Dec. 14) sa pagpupulong ng IATF isusulong 'yan," sabi ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac. --Jamil Santos/FRJ, GMA News