Dahil hindi umano makabalik sa trabaho sa Saudi Arabia bunga ng pandemic, nais malaman ng isang overseas Filipino worker kung may benepisyo pa kaya siyang puwedeng matanggap.
Sa programang "Sumbungan ng Bayan," sinabi ng dumulog na netizen na ayaw umanong ibigay ang kaniyang benefits at maging ang termination letter.
Idinadahilan daw sa kaniya na puwede namang "ipasa" sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang kaniyang problema para "may makuha kahit papano."
Kaya naman humingi ng payo ang netizen kung ano ang puwede niyang gawin.
Ayon kay Atty. Henry Rojas, hindi detalyado ang idinulog na tanong ng netizen kung siya ba ay may "live" o existing contract o wala.
Dapat umanong malinawan muna kung may existing contract siya sa KSA at hindi siya nakabalik dahil sa pandemic.
"Kung ang sitwasyon ay mayroon siyang live contract na dumaan sa agency, POEA [Philippine Overseas Employment Administration] approved at may agency siya rito, kailangan tingnan ang facts ng sitwasyon niya kung ito ba ay papasok sa sitwasyon na illegal dismissal," paliwanag ni Rojas.
Kung hindi umano lehitimo at walang sapat na basehan ang employer na itigil ang kontrata ng OFW, maaari siyang dumulog sa Employment National Labor Relations Commission (NLRC) para sa reklamong illegal dismissal.
Pero ibang usapan umano kung walang kasalukuyang kontrata ang OFW at wala na siyang local agency na hahabulin sa Pilipinas.
Sinabi rin ni Rojas, na binabantayan nila ang naibalitang hakbang ng pamahalaan ng KSA para mabayaran ang mga OFW na may hinahabol na sahod at benepisyo sa kanilang mga amo.
Ang embahada ng KSA sa Pilipinas ang sinasabing bumubuo ng sistema para sa gagawing pagbabayad na malaking tulong sa mga OFW na natigil sa trabaho.
--FRJ, GMA News