Nagsimula sa simpleng pagtulong sa dalawang bata, itinuloy-tuloy na ng isang overseas Filipino workers sa Equatorial Guinea sa Africa ang kaniyang mismong na feeding program doon.
Sa programang "Mars Pa More," sinabi ng charity vlogger na si Rowell Francisco, na limang taon na siyang nagtatrabaho sa Equatorial Guinea, para sa isang Lebanese company.
Ikinuwento niya na nagsimula ang isinasagawa niyang pagpapakain sa mga tao nang may lumapit sa kaniya na dalawang bata ay humingi ng pagkain.
Isinama raw niya sa restaurant ang dalawa bata at nakita niyang spaghetti ang inorder ng mga ito.
Kaya nang makita niyang spaghetti ang gusto ng mga bata, naisipan niyang magluto ng spaghetti na Pinoy style na manamis-namis at dinala niya ito sa lugar ng mga bata upang magpakain.
Natuwa si Francisco nang makita niyang ipinalaman ng mga tao ang spaghetti sa dala niyang tinapay.
Doon na raw nagsimula ang kaniyang feeding program na isinasagawa niya linggo-linggo.
Sinabi ni Francisco na tanging ang Equatorial Guinea ang bansa sa Africa na ang Espanyol ang salita.
Bukod sa pagkain, namimigay din siya ng tsinelas sa mga batang mahihirap na hindi kayang bumili ng tsinelas.
Natutuwa si Francisco na hindi masyadong uso sa Equatorial Guinea ang gadgets kaya nasa labas lang ang mga bata upang maglaro.
Kaya naisipan na rin niyang ituro sa mga bata ang mga larong Pinoy tulad ng kapintero at tumbang preso.
Sinabi rin ni Francisco na ipinagdasal niya na ituro sa kaniya ng Diyos kung ano dapat niya gawin noon at inakay siya sa gawaing tumulong sa mga tao.
Tulad ng mga Pinoy, sinabi ni Francisco na mababait ang mga taga-Equatorial Guinea, at mainit ang pagtanggap nila na parang pamilya kapag nagpunta ka sa kanilang bahay. --FRJ, GMA News