Pinag-uusapan na ng pamahalaan ng Pilipinas at Kingdom of Saudi Arabia ang sistema sa gagawing pagbabayad sa tinatayang 9,000 overseas Filipino workers na hindi nabayaran ang mga sahod ng kani-kanilang mga amo na aabot sa P4.6 bilyon.
Sa Laging Handa briefing nitong Martes, sinabi ni Hans Cacdac, administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ang pagtalakay sa sistema ng pagbabayad ay kasunod na rin ng pag-anunsiyo ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na babayaran ng Saudi Arabia ang mga sahod na hindi ibinigay sa mga OFW.
Inaasahan na magaganap ang pagbabayad sa darating na Disyembre kung saan bibisita sa Pilipinas si Saudi Arabian Labor Minister Ahmed Al-Rajhi.
“Mechanics ng distribution pag-uusapan pa,” ani Cacdac. “Magkakaroon pa ng pagpupulong sa pagitan ng Saudi at Philippine governments para lalo pang magkaroon ng linaw itong implementasyon ng napag-usapan at magkaroon na ng pagtatapos itong matagal nang paghihintay ng ating mga mahal na OFW.”
Noong 2016, iniuwi ng pamahalaan ng Pilipinas ang mga OFW matapos na hindi na sila pinapasahod ng kanilang mga amo kasunod ng economic crisis sa Middle Eastern country dahil sa pagbagsak ng presyo ng langis sa world market.
Nagsampa ng kaso ang mga OFW para mabayaran ang kanilang mga sahod pero hindi pa rin ito naibibigay kahit nanalo na sila sa kaso.
Nitong nakaraang linggo, nagkaroon ng pagpupulong sina Bello at mga opisyal ng KSA at napagkasunduan na babayaran ng KSA ang naturang utang.
Pero hiniling din ng KSA na alisin na ng Pilipinas ang suspension order laban sa Arab mega recruitment agencies na responsable sa deployment ng mga OFW na hindi nabayaran ang mga sahod at benepisyo.— FRJ, GMA News