Matapos ang tatlong na taon na hindi umuuwi sa Pilipinas para magtrabaho sa South Korea, nagpasiyang umuwi ang isang overseas Filipino worker (OFW) para sorpresahin ang ama na nagdiriwang ng ika-58 kaarawan nito. Pero ang tatay niya, hindi siya kaagad nakilala.
Sa "On Record," sinabing bunso sa dalawang magkapatid at daddy's girl si Fritch Inalisan.
Taong 2017 nang lumipad si Fritch sa Seoul, South Korea at nagtrabaho bilang isang factory worker para makatulong sa pamilya.
Sa higit apat na taon niyang pagtatrabaho sa Seoul, isang beses pa lamang nakauwi si Fritch noong 2018.
Sa 2022 pa sana niya planong umuwi, pero lagi raw siyang nasusuka at nahihilo sa trabaho.
"Dumating po ako sa point na napa-resign na talaga, pinapauwi na rin ako kasi baka kung ano pa mangyari sa akin," kuwento ni Fritch.
Nitong Hulyo 1 nang makabalik ng Pilipinas si Fritch, pero hindi niya muna ito sinabi sa kaniyang amang si Mario, dahil naisip niyang sorpresahin ito sa kaarawan nito sa Hulyo 21.
Makilala pa kaya si Fritch ng kaniyang ama? Tunghayan sa video ang madamdaming pagkikita ng mag-ama pagkaraan ng tatlong taon.
--FRJ, GMA News