Sinabi ng Bureau of Quarantine (BOQ) na dumami ang mga nais kumuha ng "yellow cards" na magagamit ng mga bibiyahe palabas ng Pilipinas.
“Nilalawakan natin yung serbisyo natin. Nag-o-open tayo sa iba’t ibang satellite station natin at tinataas natin yung capacity natin every day para maserbiyuhan yung mga kailangan ng yellow card,” ayon kay BOQ deputy director Roberto Salvador Jr. sa panayam ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes.
Ang yellow card, o International Vaccine Certificate, ay naglalaman ng vaccination details at passport number ng isang tao. Kinikilala rin ito ng World Health Organization.
Sa isang ulat ng GMA News "Saksi" noong Agosto 26, sinabing sa darating na Disyembre pa makakakuha ng appointment para sa yellow card ng mga mangingibang-bansa dahil sa pagdami ng nais kumuha.
Sa panayam kay Salvador sa "Unang Balita," hiniling niya sa mga kukuha ng yellow card na ang mga aalis muna ang dapat kumuha ng card tulad ng mga overseas Filipino worker na mayroon nang overseas employment certificates at mga bibiyahe na mayroon nang plane ticket.
“Sa ngayon po, talagang sobrang dami po ang gusto nang kumuha ng yellow card,” anang opisyal.
“Kaya nga po pinapakiusap po natin na ang talagang dapat po kumuha ng slot is yung mga paalis na po,” dagdag niya.
Nilinaw din ni Salvador na hindi "mandatory" ang pagkuha ng yellow card ng mga aalis.
Payo niya, dapat alamin din ng mga bibiyahe sa mga bansa na kanilang pupuntahan at sa airlines kung ano ang mga dokumento na dapat nilang dalhin sa pag-alis.—FRJ, GMA News