Dahil nakakulong ang asawa at mag-isang binubuhay ang kaniyang mga anak, napilitan ang isang ginang na magtrabaho bilang kasambahay sa Qatar.

Sa programang "Wowowin-Tutok To Win," kaagad nalaman ng OFW na si Julie na si Willie Revillame ang kausap niya sa telepono dahil nanonood daw siya ng programa sa social media.

Kuwento ni Julie, kakaalis lang niya ng Pilipinas nitong nakaraang Hulyo.

"Sa totoo lang kahit po masakit pero kailangan po para sa mga anak ko," sabi ni Julie sa desisyon niyang magtrabaho sa abroad.

Labis ang pasasalamat niya na siya ang  natawagan ni Willie dahil may maipapadala siya sa kaniyang mga anak.

Ayon kay Julie, sinabihan niya ang mga anak na mangutang na muna kapag hindi pa siya nakakasahod at wala pang maipapadala sa Pilipinas.

Taong 2001 nang nakulong daw ang kaniyang asawa at magmula noon ay mag-isa na niyang binubuhay ang kaniyang mga anak.

Hindi na raw daw niya nadadalaw ang mister dahil sa Ihawig (Palawan) ito dinala.

Nang oras na tumawag sa kaniya si Kuya Wil, nasa biyahe umano ang kaniyang mga amo at naiwan siya sa bahay na nakakandado.

Nang kumustahin ni Willie ang kaniyang kalagayan sa Qatar, sinabi ni Julie na maaayos naman ang pagtrato ng kaniyang among lalaki, habang hindi pa niya kabisado ang ugali ng kaniyang among babae.

Umaasa si Julie na sa kaniyang pangingibang-bansa, magagawa na rin niyang maibigay ang mga pangangailangan ng mga anak, pati ang pagkakaroon ng sarili nilang tahanan.--FRJ, GMA News