Hinihinalang biktima ng human trafficking ang anim na babae na paalis na sana papuntang United Arab Emirates (UAE) at naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport.

Ayon sa BI intelligence division, nangyari ang insidente noong Agosto 4 sa Terminal 3 ng NAIA.

Napansin umano ng mga tauhan ng BI na peke ang UAE visas na hawak ng mga paalis na OFWs.

“During primary inspection, they claimed that they were balik-manggagawa, or overseas Filipino workers merely returning to their old employers. They [are] alleged to have been directly hired as domestic household workers, but they were unable to show any proof of such claim,” ayon sa inilabas na pahayag ng BI nitong Lunes.

Inilipat sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang pangangalaga sa anim na OFW para sa patuloy na imbestigasyon at pagsasampa ng kaso laban sa kanilang recruiter.

“The BI will not allow them to take advantage of the pandemic to prey on our poor countrymen who are lured to become victims of their racket because of poverty,” ayon kay  Immigration Commissioner Jaime Morente . --FRJ, GMA News