Nagpositibo sa COVID-19 ang 84 na overseas Filipino workers na umuwi sa Pilipinas galing sa United Arab Emirates.
Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing kabilang ang 84 OFWs sa mga nakasama sa repatriation flights ng mga Pilipinas sa pitong bansa na may ipinatutupad na travel ban dahil sa pag-iingat sa mas nakahahawang Delta variant.
Ang mga bansang kasama sa travel ban ay ang India, Pakistan, Nepal, Bangladesh, Sri Lanka, Oman at UAE.
Nitong Miyerkules, isinama na rin ng Pilipinas sa "red flag" countries ang Indonesia dahil sa lumolobong COVID-19 cases doon dahil sa Delta variant.
Ang 84 na OFWs na galing sa UAE, nagpositibo sa COVID-19 sa isinagawang swab test na isinagawa sa kanila limang araw matapos dumating sa bansa.
Ayon kay Alice Visperas, director, International Labor Affairs Bureau ng Department of Labor, umabot na sa 2,700 OFWs ang naiuwi na mula sa nasabing "red flag" countries.
Mahigit 300 sa mga umuwing OFWs ay galing sa UAE.
Bukod sa pagtukoy kung anong variant ng virus ang tumama sa 84 OFWs, inaalam din kung fully vaccinated na sila bago pa man sila bumiyahe pauwi ng Pilipinas.--FRJ, GMA News