Dinukot at pinatay umano sa saksak ng isang ama ang sarili niyang anak na babaeng tatlong-taong-gulang na Filipino-Canadian sa Winnipeg, Canada.
Sa ulat ng Canadian newspaper na Toronto Star, kinilala ang biktima na si Jemimah Bundalian, na kinuha umano ng suspek sa kaniyang ina sa North End.
Kinilala naman ang suspek na si Frank Nausigimana, ama ni Jemimah.
Nakita ng mga awtoridad si Jemimah na duguan at wala nang buhay sa loob ng isang sasakyan na nakaparada sa Jefferson Avenue at King Edward Street.
Naaresto na si Nausigimana at nahaharap sa kasong first-degree murder.
Noong 2019, naghain ng guilty plea sa korte si Nausigimana dahil sa ginawang pananakit sa kaniyang kinakasama na si Jasmine Bundalian, ina ni Jemimah.
Nitong February 12, 2021, nag-apply ang suspek ng “periods of care and control” kay Jemimah at “mutual decision-making authority” kay Bundalian.
Pumayag umano si Jasmine na bigyan ng pagkakataon si Nausigimana na makasama ang anak pero tumanggi ang babae sa joint custody at mutual decision-making authority.
Nagpakita naman ng pakikiramay ang mga tao sa nangyari kay Jemimah na nag-alay ng bulaklak at dasal sa Jefferson Avenue at King Edward Street, na makikita sa ulat ng City News Winnipeg.--FRJ, GMA News