Hindi nakalusot sa paliparan ang dalawang overseas Filipino workers na papunta sana sa United Arab Emirates nang mabistong peke ang dala nilang mga dokumento.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing mga tauhan ng Bureau of Immigration at National Bureau of Investigation ang nakadiskubreng peke ang kanilang dokumento.
Ang isang OFW, peke ang overseas employment certificate at maging ang RT-PCR test result.
"Umamin naman na hindi siya dumaan sa swab test. Iniimbestigahan namin kasi gusto naming mahuli kung sino 'yong nagbigay ng pekeng dokumento sa kaniya," ayon kay NBI International Airport Investigation Division chief Atty. Ruel Dugayon.
Ang isa namang OFW, ginamit ang pasaporte at birth certificate ng kaniyang nakatatandang kapatid.
"Ang ginamit niyang birth certificate ay birth certificate ng kapatid niya para ma-qualify siya kasi ang edad ng pasaherong papuntang Saudi Arabia ay 23 years old. Under-age pa siya," ani Dugayon.
Mahaharap ang dalawa sa kasong falsified documents at paglabag sa Philippine Passport Act.--FRJ, GMA News