Dalawang Filipino na galing sa Saudi Arabia ang nagpositibo sa mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19. Gayunman, nakalabas na ang dalawa sa quarantine facility matapos na ideklarang magaling na.
Sa pahayag ng Department of Health (DOH), sinabing ang dalawang bagong kaso ng Delta variant ay nakita ng University of the Philippines Philippine Genome Center (UP-PGC), at University of the Philippines National Institutes of Health (UP-NIH), matapos magsagawa ng genome sequencing sa 7,878 COVID-19-positive samples.
Dumating umano sa Pilipinas ang dalawang Pinoy na galing sa KSA noong May 29, 2021, at nakompleto ang 10-day isolation period.
"They have been discharged from the quarantine facility after being tagged as recovered," ayon sa DOH.
Dahil sa dalawang bagong kaso, umakyat sa 19 ang naitatalang kaso ng Delta variant sa bansa.
Una rito, sinabi ng DOH na wala pa rin namang local transmission ng Delta variant sa Pilipinas.
Bukod sa Delta variant, natuklasan din ang 132 na bagong kaso ng Alpha (B.1.1.7) variant. Sa kabuuan, mayroon nang 1,217 na Alpha variant cases sa bansa.
Sa 132 na bagong kaso, 125 ang local cases, isang returning Filipino, at anim ang hindi pa alam ang pinagmulan.
Pumanaw naman ang 15 pasyente na may Alpha variant, at 117 ang gumaling na.
Ang Beta variant naman sa Pilipinas, tumaas sa 1,386, matapos na madagdagan ng 119 . Sa naturang bilang, 111 ang local cases, dalawa ang returning overseas Filipinos, at anim ang bineberipika pa.
"Based on the case line list, three cases are currently active, 104 cases have been tagged as recovered, and 12 cases have died," ayon sa DOH.
Samantalang ang Theta variant — o ang P.3 variant na unang na-detect sa Pilipinas—umakyat na sa 166 dahil sa panibagong tatlong kaso.
Pawang local cases umano ang tatlong kaso, at gumaling na lahat.
"Currently, the Theta variant is not identified as a variant of concern (VOC) since more data is needed to conclude whether the variant will have significant public health implications," paliwanag ng DOH. — FRJ, GMA News