Uunahin na iuwi sa Pilipinas ang mga buntis at mga Pinoy na mapapaso na visa sa United Arab Emirates, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa ulat ng GTV News Live nitong Linggo, sinabi ng DFA na inihahanda na ang chartered repatriation flights para sa mga OFWs sa UAE.

Gagawin ang mga biyahe sa July 12, 17, 27, at 30.

Bukod sa mga buntis at mga mapapaso na ang visa, kasama rin sa prayoridad na maiuwi sa bansa ang pamilya na may batang miyembro, at mga may karamdaman na walang health insurance sa UAE.

Inihanda ng pamahalaan ng Pilipinas ang chartered flights para sa mga Pinoy sa UAE dahil na rin sa pinaiiral na travel restriction ng bansa bilang pag-iingat sa Delta variant ng COVID-19.— FRJ, GMA News