Naglabas na ng saloobin ang ilang overseas Filipino worker na patuloy na stranded sa Oman at United Arab Emirates, dahil sa travel restriction na ipinatutupad ng Pilipinas bilang pag-iingat sa Delta variant ng COVID-19.
Kasama ang Oman at UAE sa pitong bansa na nagpataw ng travel restrictions ang Pilipinas na tatagal hanggang sa katapusan ng Hunyo para mapigilan ang pagpasok sa bansa ng Delta variant na unang nakita sa India.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, nakikiusap ang nasa 50 OFWs na tulungan na silang ma-repatriate upang makapiling na nila ang pamilya sa Pilipinas.
Ang OFW na si Joe Alexis Alcantara, na nasa UAE, ikinalungkot na hindi siya nakauwi sa Father's Day para sa kaniyang anak.
"Sino bang OFW ang gustong mag-uwi ng virus sa kaniyang pamilya. If they want to quarantine us for 14 days so be it. Gusto nilang ipag-swab test kami three times or five times, bahala sila kung ano ang gusto nilang gawin. We just want to go home," saad niya.
Nang mapag-usapan na ang tungkol sa kaniyang anak na ilan taon na niyang hindi nakikita, nabasag na ang boses ni Alcantara.
"Ako po four years na po ako, last time nakita ko yung bunso kong anak one-month-old lang. Akala ko this Father's Day makakauwi ako sa anak ko. Nawala," pahayag ni Alcantara, na iniisip din ang kalagayan niya ngayon na walang trabaho.
Ang isang ginang na OFW, nag-aalala naman sa dalawa niyang menor de edad na anak na wala ngayong kasama sa Pilipinas dahil umalis naman ang kaniyang mister para magtrabaho sa Saudi Arabia.
"Dapat po nandoon na ako [sa Pilipinas]. May plano kami. Pero dahil sa paulit-ulit na ban, yung dalawa kong anak na minor silang lang dalawa sa bahay," anang OFW.
Ang OFW naman na si Michelle Cuenca at anak niyang pitong-taong-gulang, inabutan na ng pagkapaso ang visa sa UAE dahil sa travel ban matapos hindi matuloy ang kanilang flight pauwi nitong June 21.
"My next flight will be on July 30, magpe-penalty na po kami. Hindi na po 'yon sasagutin ng company," paliwanag niya.
Ilan umano sa mga OFW ang nagpalista sa repatriation program ng pamahalaan pero wala raw nangyayari.
Nais nilang alisin na ang travel restriction para magkaroon na muli ng commercial flights para makauwi sila sa bansa.
Marami sa mga OFW ang tapos na kontrata o wala nang visa.
"Sana inintindi nila yung sitwasyon namin dito. Apat na buwan, tatlong buwan kaming natengga. Yung kakarampot naming naipon nauubos talaga," ani Jestoni Donding na tatlong buwan nang tapos ang kontrata.
Si Keri Ann Gerodias, OFW sa Oman at maysakit ang anak sa Pilipinas at kailangan operahan, nakiusap sa pamahalaan na tulungan na silang makauwi.
Nauna nang sinabi ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na patuloy naman ang repatriation sa mga stranded na Pinoy sa UAE at iba pang bansa.
Pero dahil sa kakulangan ng quarantine facility sa Pilipinas, kinailangan limitahan ang pagpapauwi sa kanila.
Ang Philippine Consulate General sa Dubai, nagsabing makipag-ugnayan sa kanila ang mga stranded OFW sa Dubai patungkol sa repatriation.
(+971) 56-501-5756
(+971)56-501-5755
(+921)4-220-7100
dubai.pcg@dfa.gov.ph
— FRJ, GMA News