Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpatuloy ang mahigpit na patakaran sa quarantine at testing protocols sa mga umuuwing Filipino workers (OFWs) para matiyak ang kaligtasan sa COVID-19 ng kanilang mga pamilya at kababayan kapag umuwi sila sa kani-kanilang lalawigan.
“I cannot compromise. I am not ready for a compromise lalo na ngayon, 'yung ibang siguro, yung rabies, rabies dyan pero ito talagang, as you have said, dapo rito, dapo roon, then you have the exponential problem now of how to take care of the Philippines," sabi ni Duterte sa televised briefing nitong Miyerkules.
Ginawa ni Duterte ang pahayag kasunod ng kahilingan ni Labor Secretary Silvestre Bello na bawasan ang araw ng quarantine at pag-aralan din kung kailan dapat kunan ng COVID-19 test ang mga umuuwing OFWs.
Ipinaliwanag ni Bello na ang kaniyang mungkahi ay base na rin sa pakiusap ng mga OFW na natatagalan sa 14 na araw na quarantine at tagal ng resulta ng COVID-19 test para makapiling na nila ang pamilya.
Gayunman, sinabi ni Bello na susundin pa rin nila kung ano man ang magiging rekomendasyon at kapasyahan ng mga eksperto tungkol sa naturang usapin.
"Talagang hirap na hirap sila. They are crying . . . We cannot close our eyes to the miseries of our OFWs," sabi ni Bello.
Dagdag ng kalihim, bumaba na sa 1.5% ang testing positivity rate ng mga umuuwing OFW ngayong 2021, kumpara sa 2.07% noong nakaraang taon.
“Kaya nga po kami nakikiusap sana na kung maaari we go back to the regional protocol noon na pagdating nung ating mga OFWs swab agad sila and then they are quarantined for five days while waiting for the result,” mungkahi niya.
Ayon sa health experts mula sa Technical Advisory Group (TAG), maaaring bawasan sa 10 araw ang mandatory quarantine period mula sa 14 araw kung walang sintomas ng COVID-19 ang OFW.
“So ito po ‘yung proposed changes as we have already mentioned. We can shorten the duration of quarantine from 14 days. If there are no symptoms to the end of 10 days,” sabi ni Dr. Edsel Salvana sa live briefing.
“Basta walang symptoms, we can do it 10 days,” paglilinaw niya.
Sinabi rin ni Dr. Marissa Alejandria na batay sa datos mula sa CBC, maaaring bawasan ang quarantine period sa 10 araw.
“So ‘yun ‘yung parang compromise. It’s a good compromise in the sense that we reduce the duration of the period of quarantine with minimal effect on the number of infections that we may miss out,” saad niya.
Ayon pa kay Salvana, dapat na isagawa ang COVID-19 test sa ikapitong araw sa pag-uwi ng mga "asymptomatic" OFW.
Batay umano sa datos ng Department of Health (DOH), may mga OFW na negatibo sa test nang umuwi pero nagiging positibo sa virus sa ikapitong araw nila sa quarantine facility.
“Ideally pa rin facility-based quarantine but we recognize that this is very expensive. For LGU home-quarantine as long as it can be assured dapat daily ho and strict compliance at home and dapat set up po talaga yung house,” aniya.
Ayon kay Alejandria, dapat ma-test ang mga OFW na kakikitaan ng sintomas ng sakit sa loob ng 10 raw.
“So the system should be in place to be able to isolate once they get symptoms and they get tested and then that’s the policy that we can adapt,” pahayag nito.
Ang naturang mga rekomendasyon ay pag-aaralan bago opisyal na maglalabas ng pasya kung magkakaroon ng bagong patakaran sa quarantine protocols sa mga uuwing OFW.—FRJ, GMA News