Inihayag ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na posibleng payagan na ngayong Abril ang pagpapadala muli ng mga FIlipino household service workers (HSWs) sa United Arab Emirates (UAE) na natigil noong 2014.
Noong nakaraang buwan, nagkasundo ang Pilipinas at UAE na ituloy na ang deployment ng HSW sa naturang bansa sa Gitnang Silangan simula noong Marso 31.
Ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia, magsasagawa muna ang labor attaché ng verification process, aasikasuhin naman ng POEA accreditation process.
Sa sandaling maayos na ang mga kinakailangang proseso, maglalabas na ang POEA ng Overseas Employment Certification (OEC) para sa deployment ng HSWs, na sinuspindi mula noong 2014.
"Sa lalong madaling panahon, basta natapos ang guidelines at tinatawag nilang verification process tayo ay magsisimula na officially na mag-deploy na ng HSW sa UAE," pahayag ni Olalia sa online briefing sa Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Lunes.
Extension ng OFW contracts sa South Korea
Samantala, sinabi ni Olalia na inihayag kamakailan ng DOLE ang pagpapalawig para manatili ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na napaso na ang kontrata sa South Korea, dahil sa umiiral na travel restrictions.
"Kasalukuyang may border closure at travel restriction doon [South Korea]. Kaya nga ang ating mahal na [Labor] Secretary [Silvestre Bello III] nag-announce na kamakailan na i-extend 'yung mga natapos na kontrata sa Korea kasi 'di sila makakaalis at makakauwi dahil sa closure," paliwanag ni Olalia.
Nakikipag-ugnayan umano ang DOLE sa pamahalaan ng South Korea para sa pagpapadala doon ng mga manggagawang Pinoy.
Sa isang pahayag nitong Linggo, sinabi ng DOLE na ang Pinoy workers sa Korea na magtatapos ang kontrata sa Abril 13 hanggang sa katapusan ng 2021 ay maaaring manatili pa rin doon ng isang taon.
"The period of stay and employment of overseas Filipino workers in Korea who are under the Employment Permit System (EPS) and whose contract term expires within the period 13 April 2021 to 31 December 2021 will be extended to one year effective 13 April 2021," ayon sa DOLE.
May pahintulot ng Ministry of Employment and Labor (MOEL) ng Korea at kanilang Ministry of Justice (MOJ) ang extension sa mga dayuhang manggagawa na mapapaso na ang kontrata dahil sa COVID-19 pandemic. — FRJ, GMA News