Karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng isang 49-anyos na Filipina sa kamay mismo ng kaniyang mga kababayan sa Canada.

Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Maria Cecilia Loreto, residente ng New Westminister.

Nadakip naman ang dalawang suspek na si Carlo Tobias, 21-anyos, at ang kasabwat niyang 15-anyos.

Sa imbestigasyon ng pulisya, pinapaniwalaang pinatay si Loreto sa kaniyang bahay noong Marso 17, at kinalaunan ay nakita ang kaniyang sunog na bangkay sa isang parke sa Burnaby.

Hindi sinabi ng mga awtoridad ang motibo sa krimen dahil sensitibo raw ang impormasyon.

Gayunman, lumilitaw na magkakilala umano ang biktima at mga suspek, ayon sa Canadian media.--FRJ, GMA News